dahil sa pagod....
Naramdaman mo na ba?
Naranasan mo na bang magkaroon ng "nose bleed"?
Grabe ano! Kakaibang karanasan pero makakasanayan mo rin pag nagtagal.
Sa umpisa hindi mo alam na paparating na. Maya-maya mararamdaman mo na ang likidong unti-unting sumisilip sa iyong mga ilong. Kakapain mo at makikita ang isang kulay pulang likido sa iyong mga kamay. Sa unang pagkakataon, matataranta ka pa ngunit sa pagtagal magiging karaniwan na lamang itong karanasan....
Kauuwi ko pa lamang mula sa unibersidad. Tag-init pa rin pala. Sobrang init ng sikat ng araw. Nalimutan kong magdala ng payong kaya naman hindi ko nagawang ipagtanggol ang aking balat mula sa makapangyarihang sinag ng araw. Mabuti na lamang at nakauwi na ako. Kapapalit ko pa lamang ng damit, nadama ko kaagad ang papalapit na daluyong. Tiniyak ko kung tama ang aking akala. Pagtingin sa panyo, nakita ko ang ebidensya, naroon ang bilugang marka ng pulang likido. "Matagal-tagal na namang proseso ito... sana'y lumabas na agad iyon...."
Kumuha agad ako ng tubig mula sa freezer at naupo. Sinubukan kong basain ang aking ulo upang malamigan ito. Habang pinapahiran ng malamig na bimpo ang aking noo, naramdaman ko ang marahang pagdaloy ng likido sa loob ng kanang bahagi ng aking ilong. Upang maiwasan ang paglabas ng likido, tumingala ako. "Ay naku!" Lumabas ito sa kabilang dulo ng kweba. Dahil dito, dumampi sa aking mga dila ang lasang-kalawang na likido. Nakakasuka! Uminom ako ng tubig upang mawala ang lasa. Maya-maya muling dumampi sa aking lalamunan ang likido. Muli akong uminom. Nagpatuloy ang ganitong mga pangyayari sa loob ng mahigit sa sampung minuto.
Sumakit na ang aking tiyan sa dami ng tubig at pulang likidong nainom ko. Napagod na rin ako sa pag-inom at paglunok ng mga bagay-bagay kaya naman naisip kong ilabas na lamang ito. Para akong isang musmos na batang pinanonood ang pulang likidong lumulutang sa batya. Ilang segundo lamang may sumunod pang isa. Matapos ang mahigit limang minuto, nakapaglabas na marahil ako ng kalahating baso ng pinaghalong laway at dugo. Habang pinagmamasdan ang pagdami ng laman ng bataya, para bang nababawasan ang aking kasiglahan. Sumakit na ang aking lalamunan sa kakadahak ngunit hindi pa rin tapos ang paglabas ng dugo. "Wala na ba itong katapusan?"
Maya-maya'y naramdaman ko na ang pagdating ng aking hinihintay. Nadama ko ang pagbara ng isang malaking tipak ng laman sa tagong labasan ng kuweba. Nahirapan akong huminga. Mahirap namang ilabas ang nakabara. Pinilit ko... naduwal... kailangan nang ilabas. Pagkalipas ng ilang segundo ng paghihirap, naramdaman ko ang paglabas nito. Nakita ko na lamang ang malaking tipak ng maitim at namumulang likido. "Matatapos na rin sa wakas..."
Ilang minuto pa ang lumipas bago tuluyang humupa ang daluyong. Uminom ako ng isang baso ng malamig na tubig. Para akong nag-ehersisyo ng ilang oras sa gym. Naramdaman ko ang kakaibang pagod at panghihina. Pagsulyap ko sa orasan, halos isang oras din ang lumipas. Nakapapata talaga... Nais ko nang mamahinga sandali.
Habang binabagtas ang daan patungo sa aking silid, nasulyapan ko ang bungkos ng mga papel sa ibabaw ng lamesa. Ako'y natigilan at nakaramdam ng pagtanggi. Bumalik ako sa pintong aking pinanggalingan . Pagod na talaga ako. Pagod na pagod.....
<< Home