human security act....
kanina na lamang ulit ako nakinig ng balita
matapos ang mahigit sa isang buwan na walang telebisyon mula Lunes hanggang Biyernes
kakaiba talaga ang pakiramdam
parang ang tagal kong nawalan ng pakialam, ng koneksyon sa mundo
kanina na lamang ulit ako nakinig sa isang diskusyon
isang diskusyon ukol sa Pilipinas
mga salita tulad ng maka-kaliwa, aktibista, terorista, karapatang pantao
ito ang mga salitang kasama ko kanina
na-miss ko sila
matagal na kasi kaming hindi nagkakasama
minsan, naiisip ko na mayroong bahagi ng aking sarili na may pagka-radikal
nagnanais ng malalaking pagbabago o repormasyon sa lipunan
marami rin akong nais wasaking mga sistema
ngunit sa pagdaan ng panahon, nawala ang alab
naisantabi ang bahagi kong ito
kanina, habang nagninilay ukol sa mga kasalukuyang nagaganap sa bansa
nakabuo ako ng ilang mga ideya
narito ang ilan sa kanila, sana ay magbigay kayo ng komento...
una. anumang gawin ng pamahalaan, hindi rin magiging ganoon ka-epektibo dahil wala nang tiwala ang mga tao. hindi na naniniwala ang maraming Pilipino sa mga binibitawang salita ng maraming opisyal. karamihan, may paghihinala na kaagad sa motibo ng mga opisyal sa pagpasa ng isang batas o paggawa ng isang aksyon. kahit na maganda pa ang intensyon ng pamahalaan sa mga ginagawa nitong aksyon, nababalutan na kaagad ito ng samu't saring pagpaparatang. kadalasan, natatabunan na ang magagandang katangian ng isang gawain dahil sa mga naglalabasang mga isyu.
nakakalungkot mang isipin ngunit ito ang nangyayari sa bansa ngayon. lahat nahihirapang magtiwala. kung isang kapit-bahay na nga lamang pinaghihinalaan na ng kung anu-ano, ang pamahalaan pa kaya. nakakalungkot dahil umabot tayo sa ganitong kalagayan. tila sumobra ang pagiging kritikal, ang pagiging mapanuri, ang pagkuwestiyon. hindi ko naman sinasabing mali ang mga ito. may mga panahon lamang na nararamdaman kong ginagawa na lamang ito ng tao para lamang masabi na may ginagawa nga siya. dahil sa lahat ng ito, naaantala ang maraming gawain hanggang sa punto na hindi na ito naisasakatuparan o kaya naman ay minamadali na lamang.
ikalawa. parang walang silbi nang ipagtanggol ang isang puntong pinaniniwalaan dahil sa bansa natin, kapag hindi nakuha ng nakararami ang kanilang gusto, sasabihin na may pandaraya o kaya naman ay hindi nasunod ang tamang proseso. sa maikling salita pipiliting hanapan ng butas ang isang pagtatanggol hanggang umabot sa puntong susukuan mo na lamang dahil wala nang patutunguhan ang argumento. mahirap kasing kumbinsihin ang mga taong sarado na ang mga utak, ang mga tao sa pamahalaan, magagaling silang mangumbinsi kaya naman kapag napaniwala na ng isang panig ang mga tao, mahirap na silang pabaguhin ng isip. dagdag pa dito ang kawalan ng tiwala ng mga tao. dahil sa mga pagdududa, hindi na bukas ang mga tao sa mga bagong ideya o opinyon na taliwas sa nauna nilang pinaniwalaan.
ikatlo. may kakaibang pagmamataas ang maraming tao sa bansa. hindi lamang naman sa atin ngunit sa ibang bansa rin ay nagaganap ito. ngunit ang pagmamataas na ito ay makikita sa pagtanggi ng mga tao na aminin ang kanilang pagkakamali. dahil sa hindi pag-amin na ito, ang nangyayari ay nagiging sarado na ang isip ng mga tao anumang taliwas sa kung ano ang nakukuta nilang tama ay hindi na nila kinikilala. dahil din sa pagmamataas na ito, para bang naging tuod na ang mga tao. wala na silang pagtubo dahil ang pinahihintulutan lamang na pumasok sa sistema ay iyong naaayon sa kung anuman ang meron na doon.
marami akong naiisip sa mga ilang pagakakataong nagagawa kong mag-isip.
hindi ko na maalaala ang lahat
<< Home