in the silence

Friday, October 19, 2007

pag-asa....

"It is not our abilities that show who we are, it is our choices. Being happy is a choice. Yard by yard life is hard, inch by inch it's a cinch!"

choices. pagpipilian. oo, yan ang laging sinasabi ng mga tao. bilang tao, biniyayaan tayo ng natatanging kakayahang umunawa at gamitin itong pag-uunawang ito upang mag-isip, magdesisyon para sa ating sarili. may kakayahang pumili ang bawat isang tao, magdesisyon para sa sarili niya. may kakayahan ang bawat isa na itakda kung ano ang patutunguhan niya sa buhay. mula sa pinaka-simpleng pagpili ng pagkain hanggang sa pagpili ng karera sa buhay. napakarami nating pinagdedesisyunan. sa lahat ng oras, hinihingi sa ating pumili. sa bawat akto natin ng pagpili, may tinatalikuran tayong isang posibilidad. isang posibilidad na abot-kamay na natin. muntik na nating makatagpo, ngunit pinili nating huwag balingan.

sa araw-araw na buhay ko sa mundo. marami akong nararanasan. iba't ibang tao, iba't ibang tema, iba't ibang damdamin ang nabubuo. batay sa mga karanasang ito maaaring matuwa ang isang tao, maaari rin namang malungkot, magdusa, magalit at magtampo. iba't ibang reaksyon sa isang tiyak na karanasan.

iba't ibang tao, iba't ibang karanasan. isa sa mga dahilan ng pagkakaiba ng mga tao ay ang kanilang mga karanasan. sa pagkakaiba sa karanasan umuusbong ang pagkakaiba sa pagtanaw. gamit ang mga karanasan, maaaring lumawak o kumitid ang abot-tanaw ng isang tao. sa huli, ang pagtingin ng tao sa bawat karanasan niya ang nagtatakda kung ano ang hangganan ng kanyang abot-tanaw. depende sa tao kung malulugmok na lamang siya sa kalungkutan o pipiliing maging masaya kahit sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.

kung ganun lang talaga kadaling bumaling sa liwanag. kung ganun lang talaga kadaling isipin na hindi pa katapusan ng mundo. na posibleng lagpasan ang mga pagsubok na hinaharap natin. kung madali lang talagang isipin na sa bawat paghihirap ay posible tayong makahanap ng isang kakaibang kaalaman. pero hindi ganun kadali yun eh. kapag babad ka na sa lahat ng problema na posibleng iharap sa'yo ng mundo, kapag napaliligiran ka na ng dilim, mahirap humanap ng liwanag. mahirap isiping may iba pang mundo sa kabila ng kadilimang ito, sa kabila ng kinabababaran mo ngayon. kung ganun lang kadali ang lahat, marahil masaya ang mundo. wala nang nababaliw sa problema, walang nang umiiyak gabi-gabi dahil sa kawalan ng pag-asa.

pag-asa. ngayong semestre ko lang naranasan ang salitang ito. isang pagdanas na iba sa lahat. madalas ko nang makasalamuha ang salitang ito, pero ngayong semestre ko lang sinimulang unawain ang tunay na kahulugan ng salitang ito. hindi ko pa talaga siya lubusang nauunawaan. inaamin ko iyon. pero kahit papaano, kilala ko na siya. may pagnanais akong gumawa ng isang purong akto ng pag-asa. na sa bawat oras ay inaari ko ito bilang ako. pero mahirap nga talaga. sa ngayon nakabitin pa ang desisyon ko. may pag-aalangan pa na tunay na mabuhay sa purong pag-asa. marami kasing hinihingi at hindi ko pa makapa kung handa akong ibigay ang lahat ng ito. sa mga susunod na araw, ang gagawin ko lamang ay pagsubok. isang hilaw na pagpiling umasa.ika nga ng aking guro, isang malabnaw na pag-asa ang aking isasabuhay.

kaakibat ng desisyong ito ay isang pagnanais na bumalik sa loob. isang pagtatangkang halukayin ang pinakamalalim na lugar, ang kasuluk-sulukan ng aking pagkatao. nais kong kilalanin ang ako sa pinaka-puro nitong forma. hindi ko alam kung magagawa ko. ni hindi ko nga alam kung posibleng magawa iyon. ngunit nais ko kasing higit na maging tiyak sa mga pinaniniwalaan ko. nais kong patibayin ang mga prinsipyo ko sa buhay. bagaman muli akong mag-aaral pagkatapos ng kolehiyo, masasabi ko na isa na itong pagsilip sa tunay na mundo. nais kong higit na maging matatag sa pagsabak ko sa mundong ito. iniisip ko na hindi magiging madali ang lahat ngunit kung may kaisahan ako sa loob, malaki marahil ang posibilidad na makipagkaisa rin ako sa labas.

hindi ko kaya ito ng mag-isa. sa aking pagbalik sa sarili, nais ko rin sanang makasama Siya. sa aking pag-iisa, nais kong marinig ang tawag Niya at malaman ang tunay na dahilan ng pag-iral ko sa mundong ito. naniniwala akong sa Kanya lamang ako makahahanap ng kapanatagan, ng mga sagot sa mga tanong na dati ko pang hinahanapan ng sagot

nais kong magawa ang mga ito bago pa man magsimula ang ikalawang semestre
nais kong ipagpatuloy ang mga bagay-bagay ng higit na handa
marami kasing nakalaan ngayong darating na mga araw. higit na kailangang maging handa.
sana talaga magawa ko ito. hindi lamang para sa sarili ko ngunit pati na rin sa mga taong pinagtatayaan ko....