Nagising ako sa ingay ng alarm clock na nakalagay sa ibabaw ng cabinet. Umaga na pala! Muli na naman akong papasok sa unibersidad. Habang binabagtas ko ang pasilyong patungo sa kusina, naglalaro sa aking isipan ang mga nangyari noong nakaraang gabi.
Nakaisang baso pa lamang ako ng gin iced tea na tinimpla ng kabarkada ko. Hindi pa ako lasing, kakaunti pa lamang ang naiinom ko pero ayaw ko nang dagdagan pa. Hindi maganda ang sobra.
Paglingon ko, nakita ko siya. Ang kanyang maamong mukha... ang mukhang tila hindi ko pinagsasawaang tingnan. Nakakalungkot lamang at malabo na ang aking mga mata. Hindi ko na gaanong makita ang mahahalagang katangian ng mukhang iyon.
Malungkot siya. Bakit kaya? Gaano man katindi ang pagananis kong magtanong, nanatili akong nakaupo, pinagmamasdan siya mula sa malayo...
Isang magaang hampas sa balikat ang nagbalik sa akin sa kasalukuyan. Ang dormmate ko pala. Kanina pa raw ako nakatayo doon kaya minabuti niyang lapitan ako at alamin kung may nangyari ba sa akin. Nginitian ko lamang siya at sinabing okey lang ako. Nakita ko ang pagdududa sa kanyang mga mata ngunit umalis na lamang siya at tumuloy sa sala.
Tumunog ang kampana ng simbahan. Hudyat iyon ng pagsisimula ng misa at siya ring pagtatapos ng huli kong klase. Maaga pa pero ramdam kong tila ubos na ang lakas na inihanda ko para sa araw na iyon. Gayunpaman, hindi pa rin ako maaaring umuwi. May mga dapat pa akong gawin.
Pumunta ako sa gusaling madalas kong tambayan. Nakita ko siya. Hindi ko naiwasang sulyapan ang kanyang mukha. Nakangiti iyon at nakatingin sa aking direksiyon. Biglang kumabog ang aking dibdib. Ako kaya ang dahilan ng ngiting iyon? Patuloy akong lumakad at habang papalapit ako ng papalapit sa kanya, unti-unting gumagaan ang aking pakiramdam. Nang ilang hakbang na lamang ako mula sa gusali, nawala ang mukhang pinagmamasdan ko. Para akong bumagsak mula sa alapaap nang makita kong ang dormmate ko pala ang nginingitian niya. Napansin nila ako. Isang tipid na ngiti lamang ang naisagot ko sa kanila. Gumawa ako ng dahilan para maiwan silang dalawa. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nangyari ang ganoon. Mula nang makilala niya ang dormmate ko, agad siyang naging malapit dito. Minsan iniisip ko, paano kung hindi ko ipinakilala sa kanya ang dormmate ko, mangyayari kaya ang ganito? Pero imposibleng hindi sila magkita. Pero, ano ba! Iba’t ibang katanungan ang naglaro sa aking isipan kaya hindi ko namalayang nakaupo na pala ako sa sa maliit na parkeng matatagpuan sa loob ng unibersidad.
Mag-isa lamang ako, ipinikit ko ang aking mga mata at nilasap ang malamig na simoy ng hangin. Tila isang orkestra ang pinagsama-samang tunog ng mga ibon, puno at ng maliit na batis. Kapayapaan ang tangi kong naramdaman nang mga oras na iyon. Matagal rin akong nanatiling nakapikit, hindi ko alam kung nakatulog ba ako o hindi. Hindi ko rin namalayang may tao na palang dumating. Narinig ko na lamang na may nagsabi ng ganito “May tumatambay din pala rito maliban sa akin.” Agad kong iminulat ang aking mga mata upang malaman kung kanino nagmula ang pamilyar na tinig na iyon. Nakita ko siyang muli. Nakatingin siya sa akin, may ngiti sa mga labi, ngunit napansin kong may lungkot na nasasalamin sa kanyang mga mata. Nag-usap kami at nagkuwentuhan. Ang mga oras na iyon ang pinakamatagal at pinakamasaya sa araw na iyon. Marami kaming nalaman sa isa’t isa ngunit di ko pa rin alam ang sanhi ng kanyang kalungkutan. Biglang nagkaroon ng katahimikan, naubusan na kami ng pag-uusapan pero parang may pag-uusap pa ring nagaganap kahit walang salitang lumalabas sa aming mga bibig. Naglakas-loob akong itanong ang bagay na kanina pa gumugulo sa akin. Ngiti lamang ang isinagot niya sa akin. Pinilit ko siyang magsalita ngunit ayaw niyang sumagot. May katigasan din ang ulo niya kaya di na ako nagpumilit pa.
Magdidilim na’y naroon pa rin kami. Tahimik, hindi na kami nag-uusap ngunit walang tensyon sa paligid, payapa ang lahat. Maya-maya’y tumunog ang cellphone niya. Hindi ko siya tiningnan, inihanda ko na ang sarili ko sa oras ng pamamaalam. Matatapos na ang panaginip na ito. Mauulit pa kaya ito? Tumayo siya, sinubukan kong silipin ang kanyang mukha ngunit hindi ko magawa. Hinintay ko ang kanyang pamamaalam, hindi iyon dumating. Napatingin ako sa kanya. Nakaalay ang kanyang kanang kamay sa akin. Kinuha ko iyon at ako’y tumayo. Nagpasalamat siya sa akin at humiling na muli akong dumaan doon kung wala naman akong gagawin. Hindi ko na alam ang mga sumunod na pangyayari. Ang naaalala ko lamang ay ang mahigpit na yakap ng binatang matagal kong pinagmasdan mula sa malayo.
Nakapasok na ako ng dormitoryo ngunit hindi ko pa rin malimutan ang ngiti niya habang nagpapaalam sa akin. Malungkot pa rin ang kanyang mga mata ngunit higit na masaya ang mukhang iyon. Masaya ako dahil kahit papaano’y masaya rin siya. Hanggang sa panaginip ay sinundan ako ng magagandang alaala. Sana’y hindi na lamang ako nagising.
Muling tumunog ang alarm clock sa ibabaw ng cabinet. Isang makulimlim na kalangitan ang bumulaga sa akin. Gumaan ang aking pakiramdam. Kakaibang kasiyahan ang aking nadarama sa tuwing umuulan. Ang pagmamasid sa marahang pagpatak ng ulan ay nakatatanggal ng pagod. Naghanda na akong pumasok. Naglalaro sa aking isip ang ideyang makikita ko siyang muli. Sana nga.
Lumipas ang mga oras at panandaliang naisantabi ang alaala niya dahil sa dami ng aking ginagawa. Pagkatapos ng lahat ng aking mga klase, muli kong naalala ang mga naganap noong nakaraang araw. Naisipan kong dumaan sa parkeng tinambayan namin. Hindi ako nagulat nang makita kong wala siya doon, umuulan naman kasi. Naisip kong libutin ang maliit na parke, higit itong gumanda dahil sa ulan. Lumapit ako sa inupuan namin noon. Napatingin ako sa kanang sulok ng upuang iyon. Nakita ko doon na nakaukit ang pangalan niya at ng dormmate ko. Maayos ang pagkakaukit, bago pa lamang ito at kamukha iyon ng sulat niya. Ang labo. Nainis ako sa aking sarili. Bakit ba ako umaasang kahit papaano’y mahalaga rin ako sa kanya. Nilisan ko agad ang lugar. Sa di kalayuan, nakita ko ang anino ng isang lalaking nakaitim. Nakilala ko siya ngunit pinilit kong huwag lumingon. Nais ko sanang bumalik at tanungin siya ngunit pinigil ako ng kung anong puwersa.
Ilang araw ko rin siyang hindi nakita. Nais ko mang maupo sa parke at maglabas ng aking nararamdaman, hindi ko ginawa sa takot na makita ko siya doon. Gabi-gabi’y hindi ako nakatutulog nang hindi binabalikan ang mukhang di pa rin maalis sa sistema ko.
Isang araw, tila itinadhanang magkita kami. Nakasalubong ko siya habang naglalakad sa isa sa mga pasilyo ng unibersidad. Nag-iba ang itsura niya. Higit na nawalan ng sigla ang kanyang mukha. Bigla na lamang kumilos ang aking mga kamay, hinawakan ko siya at dinala sa lugar kung saan huli kaming nagkasama. Nagsalita ako, pinagsabihan ko siya. Kung anu-ano ang aking sinabi kaya hindi ko alam kung naunawaan niya ang ibig kong ipahiwatig. Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako. Hindi ako nakatingin sa kanya kaya hindi ko namalayang nakatingin pala siya sa akin. Niyakap niya ako, mahigpit ngunit sinsero. Kumalma ako, napawi ang inis na aking nadarama. Nagpaliwanag siya. Sinabi niya sa akin na nagkaganoon siya dahil tila nawalan siya ng dahil para mag-ayos. Biglang nagseryoso ang kanyang mukha at tiningnan niya ako ng deretso habang sinasabi ito, “ Maaari bang huwag mo na akong iiwasan ulit. Hindi mo ba alam na ikaw ang nagbibigay sa akin ng pag-asang harapin ang lahat ng mga pagsubok na inihahain sa akin ng tadhana?” Nalunod ako sa mga salitang iyon. Hindi ko nasagot ang pakiusap niya. Bigla na lamang nagdilim ang lahat.
Nagising ako sa tunog ng alarm clock sa ibabaw ng cabinet. Nagulat ako. Panaginip lang ba ang lahat ng iyon? Paglabas ko’y nakita ko siyang nakaupo sa lamesa. Hindi ko iyon inaasahan ngunit higit akong nagulat nang bigyan siya ng dormmate ko ng isang espesyal na pangalan. Panaginip lang talaga ang lahat. Bahagya akong ngumiti. Lumayo ako at pumasok sa aking silid. May klase pa ako, hindi ako maaaring mahuli.