Baro'T SAYA
Baro'T SAYA
isang personal na imbitasyon sa ordinasyon (kung saan muling
magpapakitang gilas SIYA)
Mula noong pumasok ako sa seminaryo sampung taon na ang
nakakaraan, laging dumadalo ang aking mga magulang sa lahat ng
ordinasyon ng Kapisanan ni Hesus. Taun-taon, lumuluha sila kahit
hindi nila anak ang binabasbasan sa altar. Kaya naman ngayong ako na
ang didipa ilang araw na lang mula ngayon, naku, kung anu-ano ang
naiisip nila.
Sabi pa ng aking Ina, magpapagawa daw siya ng magarang
damit sa isang tanyag na mananahi. Natawa ako! Aba e kahit siguro
isang taong kita niya sa pagbebenta ng yelong tig-tatlong piso kasama
pa ng ice candy ni Papa na nilalako niya sa kanto kasama ang mga
barkada niyang tricycle drivers e maikling saya lang siguro ang
maipagagawa - doon sa sastre malapit sa palengke.
Kamakailan, pinag-aralan namin sa klase ang gestalt.
Susmaryosep! Lumabas sa aking larawan ang baro't saya na pangarap ng
aking Ina. Pagdating tuloy ng pagbabahagi, humagulgol ako.
Ang kabalintunaan nito, hindi dahil sa sakit kundi sa
matinding pagsasariwa ng dahilan ng aking bokasyon. Isang
pagpapaalala kung bakit ako pumasok, kung bakit narito pa ako at para
saan ang lahat ng ito.
Sa ginuhit kong baro't saya na kulay apoy, kitang-kita
ang nag-iisa ngunit matingkad na pulang rosas bilang palamuti. Sa
wari ko, simbolo ukol sa banal na puso, umaalab, kahit may tinik
patuloy na pumipintig. Nasasaktan pero hindi halos piho, hindi naman
kasi iyon ang punto. Kumbaga kung tumigil ang pagtibok, di na rin
dadapo ang mga tinik. Ah, kasi umiibig. Iyon ang una. Kung bakit
nasasaktan? Maraming dahilang pwedeng hugutin sa pilosopiya,
sikolohiya atbp. Pero pangalawang hakbang na ito, doon na muna ako sa
una.
Labis akong umibig. Mas tama yatang sabihin na labis
akong inibig. Kaya naman nahumaling ako. Heto, baliw para kay
Kristo. Walang drama iyan. Ito ang payak na katotohanan. Inibig
kaya umibig at hahamakin hindi lang sinuman kundi anuman, isama mo na
ang mga sakit at kahirapan.
Taong 2000 ako nanumpa ng panhabambuhay na kalinisan,
pagdaralita at pagtalima. At habang hawak ko ang krus, sinambit ko sa
aking sarili, magkamatayan na. Magkasakit, malungkot, mahirapan o
kahit masiraan ng bait…magkamatayan na.
One full circle. Biyaheng rotonda. Sa pagtatapos
dumudugtong sa simula. Tinatawag muling magtiwala, magparaya. Bumitaw.
At sa walang-wala, magigisnan ang kung ano ang meron.
Heto ang nakakakilabot. Noong linggo, matapos ang misa
sa Payatas, nakitulog ako sa isang bahay dahil hapung-hapo ako sa
dalawang araw na pagbibigay ng seminar. Bigla na lang akong nagising
sa ingay ng maraming taong pumasok sa bahay. Mga nanay ng
rags2riches (www.rags2riches. ph).
Inabot sa akin ang ampaw na inipong ambag ng mga nanay na
karamihan tulad ng nanay ko ay limitado lang ang kita sa isang araw na
kailangang hatiin sa pang-ulam, pambayad sa kuryente at hindi mabilang
na gastusin. Pero hayun, tulad ng kwento sa biblia, inalay ang kahit
kakaunting meron sila.
Pilit kong ibinabalik pero mas malakas ang pwersa ng
pag-aalay. Naisip ko rin, mas matinding pagkilala sa kabuuan ng
kanilang pagkatao ang pagtanggap. Kaya kinabukasan nabili ang baro,
ang baro na puno ng SAYA, ang baro't SAYA.
Makikita niyo SIYA sa ika-13 ng Setyembre, 8:30 ng umaga,
simbahan ng Gesu, Pamantasan ng Ateneo de Manila.
xavier "javier/javy/ ver" alpasa, sj
<< Home