18 taon....
agosto 28, 2006
dalawang araw na lang kaarawan ko na
hindi lang ito basta kaarawan... magiging 18 taon na ako sa agosto 30
marami ang napapaisip sa tuwing sasapit sa edad na ito
may ilan na natutuwa kasi marami na silang magagawa
may ilan naman na nangangamba sa mga responsibilidad na kailangang harapin
ako? sa totoo lang hindi ko ramdam na 18 taon na akong nabubuhay sa mundo
hindi ko rin maramdaman na kaarawan ko na nga
18 taon na ba talaga ako?
sasabihin ng marami na bata pa ako kung tutuusin
yung iba nga 50 na
pero maliban dito, hindi ako makapaniwalang ganito na pala ako katagal nabubuhay sa mundo dahil parang ang bilis lumipas ng panahon
dati nakikipaghabulan pa lang ako sa mga kamag-aral ko noong elementary
pero ngayon, nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo
ang nararamdaman ko ngayon ay tulad ng naramdaman ko noong manalo ako
parang hindi ako makapaniwala, hindi kayang mahuli ng pag-unawa ko
parang hindi ko matanggap na sa loob ng 2 araw, 18 taong gulang na ako
kaarawan ko na pala!?!?!
hindi naman dahil tila walang nakakaalaala
hindi ko lang talaga ito napagtutuunan ng pansin
sa dami ng ginagawa sa paaralan (pang-akademiko at pang-organisasyon),
hindi ko na namalayang malapit na pala ang agosto 30
wala rin akong pormal na pagtitipon para sa aking kaarawan kaya naman wala ang mga karaniwang paghahanda na masasaksihan sa bahay ng mga dalagang mag-lalabingwalo na
hindi rin kasi ako mahilig sa mga pagtitipon
hindi rin naman ako marunong makihalubilo sa mga bisita
kaya naman hindi ko itinuturing na malaking kawalan ang hindi pagkakaroon ng party
so ayan...
ngayong nabigyan ko na ng kaunting oras ang sarili ko na pag-isipan ang kaarawan ko
ituloy na natin ang pag-iisip, kung pag-iisip nga ba itong maituturing
ano ba ang kahulugan ng numerong 18?
kung iisipin, hindi naman talaga ito ganoon kahalaga
sa larangan ng biology, hindi naman ito ang masasabing "turning point"
hindi naman sa edad na ito nagaganap ang mahahalagang pagbabago na magtaatkda ng mga bagay-bagay
ang mga babaeng nasa edad na 18 at 19 ay maituturing pa ring biologically immature sapagkat hindi pa naman lubusang nalinang ang kanilang katawan
sa aking palagay ang lipunang kinalakhan ng tao ang mismong nagtatag ng mga kaisipang nakatali sa numerong 18
noong sinaunang panahon, wala namang ganitong uri ng pag-iisip
ngunit dahil lumaki na rin ako sa sistemang kinapapalooban ng mga ganitong uri ng pag-iisip, mabuting ilahad ko na rin kung ano ang naidulot nito sa akin
dahil nga sa mga kaisipang naituro na sa akin mula pagkabata
may ilang mga bagay rin akong naikabit sa edad na 18
1) hindi na ako lalaki
kahit ano pa ang dasal na gawin ko, hindi na ako lalaki
hindi ko alam ang siyentipikong paliwanag ngunit ang alam ko humihinto sa paglaki ang mga kababaihan pagsapit nila sa edad na 18
nais ko mang madagdagan ng ilang pulgada pa, hindi na maaari
hindi ko alam kung umuubra pa ang mga produktong pampatangkad na nagkalat sa paligid
2) matanda na ako
alam ko na hindi naman talaga ito gaanong matanda
ngunit dahil nga sa mga itinuro ng lipunang kinalkhan ko
ang pagdating sa edad na 18 ay hudyat na ng pagpasok sa mundo ng matatanda
sa mundo kung saan mahirap nang kumawala kung lubod kang nababad
3) kailangan ko nang mag-mature
sa palagay ko dito ako medyo mahihirapan
sa totoo lang, medyo isip bata pa ako
minsan nga isip bata rin ako kung magdesisyon
sa pagsapit ko sa edad na 18, tila ba may matiding pangangailangan na maging "mature" ang paraan ko ng pag-iisip
medyo malabo ngunit ito ang itinuturo ng lipunan
may nakikita lamang akong tunggalian
tila higit pang "mature" mag-isip ang ilang kabataan kaysa sa mga matatanda na
4) kailangan ko nang bumoto
oo! kailangan ko nang lumahok sa botohan
mabibigyan na ng boses ang mga opinyon ko
maaari ko nang iluklok kung sino man ang sa palagay ko ay karapat-dapat
sa kabila nito, nangangamba pa rin ako na magkamali ng iboto
hindi man maiiwasan ang pagkakamali, dahil hindi naman natin lubusang kilala ang mga tumatakbo, nakakalungkot pa ring isipin na nagkamali ka ng ibinoto
sana lang maging mapanuri ako upang maiwasan ang pagkakamali
5)mas matindi ang inaasahan mula sa akin
sa maraming larangan, higit na matindi ang inaasahan mula sa akin
parang dapat lahat higit na maayos, higit na maganda
dapat mahigitan ko ang lahat ng nagagawa ko dati
mahirap ito ngunit ito ang itinakda ng lipunan
sa ngayon, ito pa lamang ang naiisip ko
hindi ko alam kung may iba pa
ngunit naniniwala ako na may iba pa
so bakit ko nga ba isinulat ang mga salitang ito
sa totoo lang, hindi ko rin alam
basta gusto ko lang
<< Home