in the silence

Monday, October 22, 2007

kuwentong wala lang.....

alam mo yung pangungutya?
alam mo yung pang-iinis na hindi mo alam kung pa'no haharapin?
alam mo yung karanasan ng isang bilangguan?
alam mo yung may ipinamumukha sa'yo at hindi mo matanggap hindi mo maamin na ganun nga?

hindi pa ako nakulong pero parang naranasan ko na ata yun...
ang labo pero ngayong araw na ito talagang naramdaman ko yung pagkakulong. na nasa isang malaking hawla ako at nakikita ko sa labas ang iba't ibang mga tao. sila nasa labas ako nasa loob ng kulungan. at IKAW. oo ikaw, nasa labas ka kasama nila. sinubukan na kitang iwaglit sa isip ko. pero mahirap talagang gawin. parang natural na daloy na ng isip ko na mapadpad sa kung saan mang lupalop. at itong kung saan man ay palaging naglalaman ng isang ikaw. palagi na lang ikaw ang binabagsakan ng mga pagpapantasya ko. sinubukan kitang isantabi pero pinapamukha mo pa sa aking magkahiwalay tayo, na iba tayo ng ginagalawang mundo....

pumasok ako sa unibersidad kanina, maayos ang bihis. alam ko kasing may posibilidad na magkita tayo. siyempre may ganoong pagpapalagay pero alam mo naman ang ako na minsan ay may pagnanais ring magpapansin kahit papaano. (sana lang di ba pero wala akong kakayahan sa ganoong larangan, lagi akong nabibigo dahil alam kong hindi natural sa akin ang magpapansin). ayun nga, pumasok ako at bahagyang umasa na magkikita tayo o makikita man lamang kita (kanina bahagya kong pinagsisihan ang palagi kong pagsasabi na kahit ako lamang ang makakita sa'yo ok na sa akin). mga bandang tanghali, nalaman kong kakain kayo sa labas. inabangan ko kayo pero hindi ko kayo maaninag. medyo malabo na rin kasi ang aking salamin. inilayo ko na ang tingin ko sa pag-aakalang nakalagpas na kayo. pero sa muli kong pagtingin, tamang-tama, nakita ko kayong nagdaan. natuwa ako! medyo naging kumpleto na ang araw ko kasi nakita kita. pero sa paglipas ng mga oras, ang tuwa na ito ang siyang naging sanhi ng bahagyang pagdurusa.

bumalik na kami (kasama ko ang mga kagrupo ko kanina) sa unibersidad pagkakain. itinuloy na namin ang aming mga gawain para sa araw na iyon. tapos bigla nilang naisipang bumili ng maiinom. sinamahan ko sila. pagdating namin sa bilihan. nakita na naman kita. muli, mula sa malayo. hinabol kita ng tingin. sinubukan kong sundan ang bawat galaw mo. sinubukan kong alamin kung saan ka tutungo. inabangan ko kung pupunta ka sa aming direksiyon. pero bago pa man natapos bumili ang mga kasama ko, nawala ka. hindi ko alam kung saan ka nagpunta. nainis ako ng kaunti pero wala naman akong magawa...

nang matapos na namin ang mga gawain para sa araw na iyon. napagdesisyunan na namin ng akung mga kagrupo na umuwi na. sumabay ako sa isa sa kanila hanggang sa labas. nakagawian ko nang sundan ang landas na madalas mong tahakin tuwing lumalakad ka pauwi. minsan umaaasa na makikita ko ang pamilyar mong likuran. sa pagkakataong ito, hindi ako nabigo. nakita ko ang bag mo na parang nakabisa ko na ang itsura mula sa malayo. ang tikas mo, ang iyong lakad. nakilala na agad kita mula sa malayo. dinaanan ka namin, medyo malungkot ka na seryoso. hindi ko tiyak kung malalim lamang ang iniisip mo. madalas mo kasing gawin yun kapag mag-isa ka. muli, sinundan kita ng tingin sa pag-asang malalaman ko kung saan ka dadaan. pero parang kalaban ko ang pagkakataon. sa panahong nais talaga kitang makita, doon naman humarang ang naglalakihang mga sasakyan at naging mabigat ang trapiko sa daan. hindi ko tuloy malaman kung saan ka dumaan. hindi na ulit kita naaninag.

naabot ko ang sukdulan. nainis ako dahil tatlong beses kitang nakita pero kahit isang pagkakataon hindi man lang kita nakawayan o nabati o nakamusta o nalapitan man lang. hindi mo nga ata ako nakita eh. sa bawat pagkakita ko sa'yo ngayong araw na ito , nakaramdam ako ng pangungutya. isang pang-iinis nang kung anumang puwersa na paulit-ulit na pinamumukha sa akin kung gaano tayo kalayo sa isa't isa. kung gaano kaiba ang mga mundo natin. patuloy itong inihaharap sa akin ng pagkakataon pero patuloy kong itinatanggi. kasabay ng pagtatanggi ko sa pagtatanging iniuukol ko sa'yo, itinatanggi ko rin ang katotohanang walang patutunguhan ang lahat. alam ko ito pero hindi ko tinatanggap.

ang higit na nakakainis pa. ako lang ata ang nakararamdam nito.
nakararamdam ka rin ba ng kalabuan sa tuwing nakikita mo ako? nararamdaman mo ba yung pagkablankong nararamdaman ko sa tuwing nagkakasama tayo. nararamdaman mo ba yung tuwa na hindi maipaliwanag, yung kapanatagan kapag nararamdaman natin ang presensya ng isa't isa? nararamdaman mo ba yung pangungulila sa tuwing hindi tayo nagkikita? nararamdaman mo ba ang labis na kalungkutan ang hindi maiwasang pagtatanggi sa tuwing maiisip mo na maikling panahon na lamang ang nalalabi para tayo ay magkasama at patuloy na lumalaki ang posibilidad na hindi na tayo magkikita?
hindi ko alam kung nararamdaman mo ang lahat ng ito. ako kasi ito ang nararamdaman ko dahil sa'yo.
nalulungkot ako kasi may pagpapalagay akong ako lamang ang nakararamdam nito.
sana hindi, pero tila maliit lamang ang posibilidad na mangyari ang nais ko.

hala. ang labo ko na.
nagwawala na naman ako (sa isang mapayapang paraan nga lang).
gusto ko lang talagang ilabas ito para maipagpatuloy ko na ang mga dapat kong gawin.
minsan iniisip ko, pa'no kung mabasa mo ito?
hahahaha nakakatawa ako no? parang hindi mo maiisip na ganito ako.
na sa ilalim ng ako na kilala mo ay nagkukubli ang isang ganito.
hehehe sana maintindihan mo ako. (hala ang labo)

tama na ito. walan na talagang pinatutunguhan ang mga sinasabi ko
mga kuwentong wala lang bilang... (hindi ko na matandaan kung pang-ilan ito)
hahahaha
labo....