in the silence

Tuesday, June 24, 2008

kuwento ng isang pulis....

katulad ng karaniwan kong ginagawa, sumakay ako ng bus pauwi.
sa may sakayan sa tapat ng sm megamall, nakasakay kami ng kaibigan ko sa isang bus ng Pascual Liner
maluwag pa sa bus, mahangin kahit hindi mabilis ang daloy ng trapiko
komportable naman kami ng kaibigan ko.
sa may cubao, bumaba na ang kaibigan ko
pero nadagdagan pa lalo ang sakay ng bus. halos puno na ito at may mga nakatayo pa
pagbaba ng Kamuning Flyover, huminto kami sa MRT station
dito nagsakay at nagbaba ang bus namin
walang anu-ano ay may sumulpot na isang provincial bus sa gawing kaliwa namin
ginitgit nito ang bus na sinasakyan ko
pinilit nitong umusad pero nagigitgit ito papunta sa kanan
maya-maya lamang, narinig kong sinabi ng isang pasahero "Wala na, tumama tayo."
noong una, akala ko di naman gaano seryoso, na tumama lamang kami sa isang harang sa daan
pero nag-iba ang lahat ng may isang lalaki na biglang humarap sa may sakayan ng bus
hinahanap niya ang drayber ng bus
bumaba ang drayber namin, pagkalatag pa lamang ng paa niya sa lupa lumapat na sa mukha niya ang kamay ng lalaki
biglang sumigaw ang lalaki at sinabing "Bumaba na kayo, hindi ko pakakawalan itong drayber niyo."
nagbabaan na ang mga pasahero, ang konduktor halatang malungkot at labis na nag-aalala
hindi ko alam kung ang iniisip ba niya ay kung paano sila makakabayad sa nabangga, paano makakaabot sa quota ng pinagtatarabahuhan nila, o kung pinoproblema ba niya kung may mauuwi siyang pagkain sa pamilya niya
basta nakita ko na lamang siyang naghanda para isauli sa mga pasahero ang pamasaheng kakailanganin nila para makarating sa kanilang destinasyon
hindi pa kaagad pumasok sa sistema ko ang mga nangyayari
bumaba ako ng bus at naghintay sa tabi nito
napagdesisyunan ko nang hindi kunin ang pamasahe ko, di ko tiyak kung bakit
nakatayo lamang ako doon pinananonood ang mga sumunod na pangyayari
nakita ko at bahagyang narinig ang paghingi ng tawad ng drayber at ang pagpapaliwanag niya
nakita ko rin ang mabagsik na mukha ng lalaki at pilit na pagsisi niya sa drayber
nag-aabang na ako ng bagong bus na sasakyan pero may humahatak sa akin na manatili sa lugar na iyon
bumalik ulit ako sa tabi ng bus at nagmasid
matapos ang ilang minuto ng pag-oobserba, inisip kong isang pulis ang lalaki dahil sa sumbrerong nasa loob ng sasakyan niya at pati na rin sa t-shirt na suot niya
naghinuha akong nakaparada lamang siya sa lugar na iyon at hindi talaga gumagalaw nang oras na mabangga siya
para makumpirma ang hinuha ko, naisipan kong magtanong sa mga nagtitinda ng candy
naganap ang banggaan sa harap nila kaya inisip kong alam nila ang tunay na nangyari
bumili ng candy at nagtanong
napag-alaman kong nakaparada nga ang kotse ng lalaki sa EDSA (ang alam ko bawal pumarada ang mga pribadong sasakyan dito kahit nasa gilid ka lang ng kalsada, malaking harang kasi sa daloy ng trapiko)
malinaw na lumabag din naman sa batas trapiko ang lalaki
nakumpirma ko rin na isang pulis ang lalaki
naghinuha ako na kaya siya nakaparada duon ay dahil inaantay niya ang asawa na nagtatrabaho lamang sa malapit
dumating kasi ang asawa niya at nagulat sa dinatnang aksidente

may kasalanan naman ang drayber ng bus
kaso, naiinis lang talaga ako dahil ibinubunton ng pulis ang lahat ng sisi sa drayber ng bus
hindi man lang niya aminin na may kasalanan din siya, na may nagawa rin siyang pagkakamali
naiinis pa ako dahil sinaktan niya ang drayber ng bus dahil lamang sa nabangga siya
nang maghiwalay na ang dalawang sasakyan, nakita namin na wala namang sira ang kotse, lumuwag lamang ang pagkakakabit ng kaliwang salamin nito
nakakainis kasi nagawa niyang saktan ang isang tao dahil sa pagkasira ng isang kotse
isa pa naman siyang pulis, at tila ipinagmamalaki pa niya ito, pero hindi siya kumikilos bilang isang pulis
kung tunay nga siyang mabuting pulis, alam niya na may maayos na sistema ng pagresolba sa aksidenteng iyon at hindi na kinailangan pang manakit.
alam niya rin dapat na siya man at may kasalanan sa nangyari
naiinis lang ako kung paano kumilos ang pulis na iyon
sana hindi man siya nakauniporme, dala pa rin niya ang pagpapahalaga at prinsipyo ng isang mabuting pulis.

masama pa ang loob ko kanina dahil tila wala man lamang akong nagawa
hindi ko alam kung paano ipakita ang suporta ko para sa drayber namin laban sa mapagmataas na pulis
hindi ko alam kung ano ang naaangkop na pagkilos sa ganoong sitwasyon
nakakainis na napakarami man ang natutunan ko mula sa unibersidad, hindi ko pa rin kayang tumugon sa mga ganitong sitwasyon
isa talaga ito sa mga isyu na patuloy na nagpapabalik-balik sa aking pagmamalay nitong mga nakaraang araw
may isyu ako sa di pagtutugma ng nalalaman ko at ng aktwal kong ikinikilos
sana lamang sa mga susunod na araw mapagisipan ko pa ito ng mabuti at malinawan na sana ako

sa ngayon, ang tanging paraan para mailabas ang lahat ng ito ay sa pamamagitan ng pagsulat
sa pag-asang kahit papaano ay may makababasa nito

para sa mamang pulis na may-ari ng kotseng may plakang WDT 659
salamat sa pagpapakita sa akin ng tunay na mukha ng mapagmataas na pulis
isa itong pagmumulat sa kung paano talaga nangyayari ang ganitong mga bagay
sana dumating ang panahon na makakagawa na ako ng pagkilos para suportahan ang mga taong tinatapakan mo, sinasadya mo man ito o hindi....