is congress the opposite of progress?
" If "pro" is the opposite of "con", is "con"gress the opposite of "pro"gress? "
benta talaga ito eh. somehow, it does make sense. pero sana hindi naman maging tunay na hadlang ang kongreso para makamit ng bansa ang inaasam nitong pag-unlad. malaki kasi ang potensyal ng kongreso na makagawa ng malalaking pagbabago sa bansa kung gagamitin lamang nila sa tama ang kanilang oras at kakayahan.
noong nakaraang semestre, nabigyan ako ng pagkakataong makatungtong sa mataas na kongreso. nakapanood ako ng isang senate hearing. wala naman silang mahalagang pinag-uusapan, iba't ibang batas lamang na hindi ko na matandaan kung ano. nakita ko ang mga senador na dati'y sa tv ko lang nakikita (sa totoo lang parang nakaharap pa rin ako sa tv kahit abot-kamay ko na sila. ewan ko ba, wala namang ipinagbago ang itsura nila. hindi ko alam kung bakit pero ang tingin ko sa bawat isa sa kanila ay mga nilalang na artipisyal....)
nakakaramdam ako ng paghanga sa mga taong ito, isang kakaibang paggalang na nararamdaman ko kapag nasa harap ako ng mga may kapangyarihan at maimpluwensiyang tao. hindi yung paggalang na nararamdaman para sa isang tao dahil sa kanyang mga mabubuting nagawa. habang pinagmamasdan sila, naging mga puppet sila ng akong imahinasyon. iniisip ko kung ano ba ang nararamdaman nila o iniisip nang mga oras na iyon. ngunit maliban dito, sila rin ang binalingan ko ng kritisismo.
nalungkot ako sa kalagayan ng senado. para silang may mga sariling mundo. hindi nagkakaroon ng pagkakataong makapag-usap ang lahat bago magsimula. kapag may nagsasalita hindi nakikinig ang lahat. ang iba nakikipagdaldalan pa sa ibang kasama. akala ko ang pangulo ng mataas na kapulungan ang magiging modelo sa iba pang mga senador, ngunit maging siya ay may sariliing mundo. hindi nakikinig sa sino mang nagsasalita. kapag may nagtanong, walang sumasagot (kapag walang sumagot, ipinagpapalagay na lamang na wala namang may reklamo sa sinabi ng kung sino man) may kaniya-kaniya silang ginagawa na nakakalungkot dahil bilang isang kalipunan ng mga kinatawan, dapat sana ay nagtatrabaho sila ng magkakasama, magkakatulong. kaya lang parang may sarili silang agenda sa bawat araw na ipinupunta nila sa senado. minsan naitatanong ko kung ganito ba talaga sa gobyerno. natural na bang hindi makinig? minsan iniisip ko kung maayos ba ang mga naipapasang mga batas kung tila hindi naman nagtutulungan ang lahat para kilatisin ang mga batas na ipinapasa.
sana maging instrumento ng pagbabago para sa ikagaganda ng bansa ang kongreso. may kakayahan sila, may magagawa ang bawat isa sa kanila. sana gamitin nila kung ano man ang ipinagkaloob sa kanila upang mapaglingkuran ang bayan. bilang mga lider ng bansa, sila ang mga "dakilang tagapaglingkod". nahalal sila upan pagsilbihan ANG bayan hindi upang pagsilbihan NG bayan.
<< Home