pagkabagabag....
ito ang madalas kong maramdaman nitong mga nakaraang araw-araw
bigla-bigla ko na lamang nadarama at minsan nagdudulot ito ng kalungkutan
katatapos lamang ng proyektong hinawakan ko
naging matagumpay naman ito kahit na hindi namin naabot ang mga ninanais naming resulta
ito ang pinakamalaking proyekto ko para sa taong ito
talagang ibinigay ko ang makakaya ko para dito
naging masaya ako, at sana nakapagpasaya rin ako ng ibang tao
pero ngayong tapos na ang lahat, naroon ang malaking tanong
ano na ako pagkatapos nito?
ngayong pagpasok ng bagong taon, lagi ko na lamang naitatanong sa sarili ko
saan na ako ngayon? ano na ang dapat kong gawin?
may mga maliliit pa akong proyektong dapat tapusin ngunit naghahanap ako ng isang matibay na dahilan kung bakit pa ako naririto ngayon, naghahanap ako ng rason para magpatuloy
alam ko naman kung bakit ako magpapatuloy pero naghahanap ako ng pagkakapitan
sa ngayon kasi hindi ko iyon makita, medyo malabo ang lahat
hindi ko alam kung bakit
dahil ba wala ako sa pagkakababad ngayon?
dahil ba sa maikling panahon ay nagawa kong kumawala?
pero nakakawala nga ba ako?
hahahahaha ang labo...
at lagpas pa sa mga tanong na ito...
sa pagpasok ng bagong taon higit nang tumatalab sa sistema ko ang isang katotohanan
magtatapos na ako...
may thesis mang posibleng maging dahilan ng di ko pagtatapos,
hindi maikakailang bilang na ang mga araw ko sa kolehiyo
tulad nga ng madalas sabihin ng karamihan sa aming mga guro sa pamantasan
bilang na ang mga araw namin, 8 linggo na lang bago kami magpaalam sa lahat
dahil dito, madalas ko ngang maitanong sa sarili ko
ano na ako pagkatapos ng kolehiyo?
marahil madali lang sagutin para sa maraming biology majors
siyempre med school
oo nga med school, pero pati kasi yun hindi rin malinaw
makakatuloy kaya ako? hindi kasi sa akin lang nakasalalay ang lahat eh
kapag hindi ako nakakuha ng kahit anong suportang pinansyal, hindi ko maitutuloy ang pangarap kong ito
kapag hindi ako nakapasok sa med school, saan na ako pupulutin?
hindi ko alam, marahil kung saan na lamang ako dalhin ng paa ko,
pero ang tiyak ko lang, maghahanap ako ng trabaho
ayaw ko naman kasing walang ginagawa ng isang taon
ayaw kong maging parasitiko sa bahay, na nakadepende pa rin ako sa mga magulang ko matapos kong magtapos sa kolehiyo
iniisip ko nga ang magkaroon ng part-time job habang nag-aaral sa med school
gusto ko talagang matutunang suportahan ang sarili ko
plano ko na nga ring mag-dorm o kaya umupa ng apartment habang nag-aaral sa med school
nais ko kasing matikman ang pagsuporta sa sarili
sa ngayon kasi, parang napaka-sheleterd kong tao
marami pa akong hindi alam, marami pa akong dapat maranasan
hindi naman sa nagmamadali ako
ayaw ko lang na laging nakadepende sa bahay
na lagi akong nasa comfort zone ko
gusto kong maranasan ang buhay
kahit tikim lang talaga ang magagawa ko
ang dami kong plano ano...
tapos isa pang katotohanang pumapasok sa isip ko ngayon ay ang pag-iwan sa organisasyong kinabibilangan ko ngayon...
ano na ako kapag wala na ako dito
hindi ko na makakasama ang mga tao dito
bihira ko na silang makikita, at posible ngang di ko na sila makita pagkatapos nito
hindi ko na makaksama ang mga taong pinahahalagahan ko
hindi ko na rin mararamdaman yung pagkilos kasama nila
hindi ko na gaanong aalalahanin at iisipin ang mga bagay na iniisip ko dahil sa organisasyong ito
minsan mahirap isipin na hindi ko na mabubuksan ang silid namin sa umaga
na hindi na ako makakatambay sa silid namin
na maaaring maputol ng bahagya ang komunikasyon ko sa organisasyong ito
nakakalungkot pa kasi ngayong huling taon pa ako lubos na napalapit sa mga tao
ngayong taon ko talaga naranasan ang pagiging isang kasapi
at marami pa akong maiiwang mga bagay-bagay
umaasa nga ako na sana magkaroon pa ng pangangailangang bumalik ako sa susunod na taon
para maging gradual ang paglisan
para hindi maging biglaan ang pagkawala
mahirap kasing gawin yun
baka hindi na naman maging maganda ang epekto nito
kamusta naman yan
ang dami kong inaalala
ang dami kong iniisip na posibleng maganap sa mga susunod na araw
kailangan ko munang mabuhay sa ngayon
ang dami pa kasing kailangang gawin
saka ko na muna iisipin ang mga ito
di ko naman kakalimutan, itatabi ko lamang sandali
kasi binabagabag ko na naman ang sarili sa mga bagay na di ko naman talaga alam...
<< Home